Home Entertainment Rep. Vilma Santos-Recto optimistic Batangueños will recover from Taal eruption

Rep. Vilma Santos-Recto optimistic Batangueños will recover from Taal eruption

Marami ang nagtatanong kung nasaan si Lipa City Representative Vilma Santos-Recto noong kasagsagan ng pagputok ng bulkang Taal sa Batangas.

Bago naging kongresista noong 2016, si Vilma ay nanungkulan bilang mayor ng Lipa City sa loob ng tatlong termino o siyam na taon (mula 1998 hanggang 2007), at gobernadora ng Batangas sa loob din ng tatlong termino (mula 2007 hanggang 2016).

Sa panayam ng awtor na ito kay Vilma sa radio program naming Showbiz Talk Ganern sa DZRH nitong Lunes ng gabi, January 13, sinabi nitong nasa Baguio siya nang pumutok ang Taal Volcano.

“Sa totoo lang, nasa Baguio kami, kasi nag-celebrate kami ng birthday ni Senator Ralph doon,” pagtukoy ng actress-politician sa kanyang mister na si Senator Ralph Recto.

“Tamang-tama, January 11… 12, pumutok ang Taal Volcano. So, umuwi rin kami right away.

“Nang nalaman namin yun, naka-monitor din kami sa mga nangyayari.

“Siyempre, may mga tao rin kami, mga staff na yung emergency time na kailangang-kailangan muna… yung mga pagkain, kung ano muna yung mga kailangan, yun muna ang binigyan natin ng prayoridad.”\\

FORMER BATANGAS GOVERNOR
Si Vilma ang representative ng lone district ng Lipa City, o sixth district ng Batangas, kaya doon siya naka-focus sa evacuation ng mga taong naapektuhan ng pagputok ng bulkan.

Saad niya, “Ang trabaho ko po ngayon ay isang congresswoman sa lone district sa sixth district ng Lipa City.

“May governor ho tayo ngayon na hindi naman po bumibitaw sa pagtulong, walang iba kundi si Governor Dodo Mandanas.

“Nagpa-meeting nga po siya at siguraduhin din na magkaroon ng sistema ang pagtulong niya sa buong lalawigan at, higit sa lahat, doon po sa naging biktima ng pagsabog po ng Taal Volcano.

“Si Governor Dodo Mandanas, nagtatrabaho po at hindi po tumitigil sa pagtulong.

“At ganun din po si Vice Governor Mark Leviste at atin din pong board members diyan sa provincial government.”

Binanggit din ni Vilma na nakatakda siyang pumunta ng Batangas ngayong araw, January 14, para i-check ang evacuation sa Lipa City, pati sa ibang mga bayan ng Batangas.

Naghanda na rin daw sila ng relief goods, pagkain, at iba pang mga kailangan ng mga kababayan niyang lumikas doon.

Doon na raw nila pag-uusapan kung ano ang susunod na hakbang kung paano makaka-recover ang mga taga-Batangas.

“Ipa-finalize namin tomorrow, not only for Lipa, but the whole province of Batangas,” pakli niya.

“Ngayon ay nakikita natin yung hirap ng ibang tao. At pag nakikita yung hirap ng ibang tao, dun mo naa-appreciate yung mga blessings mo, na dapat ito ang ibahagi mo dun sa mga nangangailangan.

“I guess that’s the most important thing sa ngayon.

“Lalong-lalo na sa Batangas na, for 18 years, pinagkatiwalaan ako ng Batangas. Siyam na taon bilang mayor at siyam na taon bilang governor.

“Sa abot ng aming makakaya, hindi tayo titigil hangga’t hindi natin makita na maging maayos ang buong lalawigan ng Batangas.”

BANGON, BATANGAS
Naniniwala si Vilma na kakayanin ng mga Batangueño ang kalamidad na ito, dahil kilala raw niyang madasalin at matapang ang mga ito.

Madasalin ang mga Batangueño.

“Naniniwala sila na bukas ay may pag-asa, at yun ang paniniwala ng mga Batangueño. Pagsubok lang ito.

“Batangueños are very prayerful. Alam niyo ‘yan.

“Religious capital ‘yan ng ating bansa.

“Kaya with all yung sipag, with all the efforts, with all the pagtutulungan, maging optimistic, kasama pa yung pagdasal, definitely, nasisiguro ko makakabangon din ang Batangas.”

Hindi raw tamang magsisihan sa puntong ito dahil kahit siya ay nagulat sa biglaang pagputok ng bulkang Taal na hindi man lang napaghandaan.

Saad ni Vilma, “Nung governor po ako, kapag nag-Alert Level 1, lalo na pag nag-Alert Level 2 na ang Taal Volcano, na-advise na po ang local government at mga bayan o kaya yung provincial government.

“Hindi na rin po nagpapapayag na umakyat yung mga kabayo dun sa crater. Kasi nandiyan ‘yan sa Talisay, e.

“Yung mga turista, at saka doon yung entrance sa may San Nicolas para makapunta ka dun sa crater ng Taal Volcano.

“Kapag Alert Level 2, binabawal na pumunta dun sa crater. Kaya ibig ko lang sabihin, na-advise kayo.

“E, ngayon, March [2019] pa yata na-advise na sila na may hindi magandang alerto ang Taal Volcano.

“What happened was, parang bigla lang ngayon, from Alert Level 2, biglang naging 3, 4… ang bilis.

“Ganyan ang natutunan ko nung governor ko… kasi it’s been so long bago pumutok ‘yan.

“Kaya panalangin ko, ‘Diyos ko, Lord, huwag mo naman paputukin ang bulkang Taal.’

“E, ngayon, nangyari na… nakikita naman ang pagtutulungan ng lahat.”

Patuloy niya, “Let’s just hope for the best. Mahirap na mag-finger pointing at this point in time.

“Ang dapat nating gawin, eto na nangyari na, naka-Alert Level 4 pa rin.

“Huwag tayong bibitaw, magtulungan tayo, and definitely, sa pagtutulungan ng lahat, we will survive.

“Makaka-recover at makaka-recover tayo, lalo na sa pagtutulungan ng lahat.

“At saka ang mga Batangueño, ibang klase ang ugali niyan. Hindi sumusuko ‘yan.

“Maniwala kayo. Matapang na haharapin nila ang problema, hindi sumusuko.

“Kahit makita niyo na umiiyak-iyak ‘yan because of what happened, pero tomorrow is another day sa kanila, handa nilang harapin yun.

“Ganyan ang Batangueño.

“Kahit papa’no, matagal ko na rin silang nakasama, kaya alam ko ang kanilang mga ugali,” paniniguro ni Congresswoman Vilma Santos-Recto.

soure ; pep.ph