Home Entertainment Ang Probinsyano party-list, nasangkot agad sa kontrobersiya

Ang Probinsyano party-list, nasangkot agad sa kontrobersiya

Malaki ang kontribusyon ng star power ni Coco Martin sa tagumpay ng Alyansa ng Mamamayang Probinsyano o Ang Probinsyano party-list sa mid-term elections noong May 13, 2019.

Pinalad ang Ang Probinsyano na magkaroon ng dalawang seats sa Kongreso.

Marami ang naniniwala na malaki ang naitulong sa naturang party-list ng popularidad ng primetime series ni Coco sa ABS-CBN.

Pero nadungisan ang pangalan ng Ang Probinsyano dahil sa insidente na kinasangkutan ng kanilang party-list representative na si Alfred delos Santos.

Si Delos Santos ang akusado sa tangkang panununtok sa waiter na si Christian Klent Alejo sa insidente na nangyari noong July 7 sa Bigg’s Diner, Legazpi City.

Mahihirapan si Delos Santos na itanggi ang kanyang ginawa dahil nakunan ito ng closed-circuit television cameras ng restaurant.

Nakasaad sa police report na walang dahilan ang panununtok ni Delos Santos sa waiter na masuwerte dahil nakailag ito.

Sa pamamagitan ng spokesperson na si Joco Sabio, nangako ang mga miyembro ng Ang Probinsyano na iimbestigahan nila ang kaso at hindi sila magdadalawang-isip na patalsikin si Delos Santos kapag napatunayang walang sapat na dahilan ang tangka niya na pananakit kay Alejo.

Ikinadismaya ng mga opisyal at miyembro ng Ang Probinsyano ang ginawa ni Delos Santos, pero bibigyan pa rin nila ng pagkakataon ang baguhan na lawmaker para magpaliwanag at ipagtanggol ang sarili.

Ang latest, pinuntahan ni Delos Santos ang bahay ni Alejo kahapon, July 11, upang personal na humingi ng paumanhin.

soure ; pep.ph