Home Entertainment Ai-Ai delas Alas, tuluyan nang binitawan ang Ex Battalion

Ai-Ai delas Alas, tuluyan nang binitawan ang Ex Battalion

Opisyal na inihayag ni Ai-Ai delas Alas ngayong hapon, May 15, na binibitawan na niya ang pamamahala sa showbiz career ng Ex Battalion, ang sikat na Filipino hip-hop group.

Dahil naniniwala siyang talented at malayo mararating ng grupo na proper guidance lamang ang kailangan, pumayag si Ai-Ai na tulungan ang Ex Battalion mula noong March 2018.

Sa tulong ni Ai-Ai, nadagdagan ang mga show ng Ex Battalion, tumaas ang kanilang professional fee at natupad ang pangarap nilang makarating at makapag-perform sa ibang bansa.

Hindi nagkulang si Ai-Ai sa pagpapaalaala sa Ex Battalion na mahalin ang propesyon, maging mabuti sa mga tagahanga, at pag-ingatan ang bawat kilos dahil mga bata ang karamihan sa fans nila.

Pero may hangganan ang lahat.

Sa loob ng 14 na buwan, maraming beses na pinaiyak ng Ex Battalion si Ai-Ai dahil sa kanilang unprofessionalism, ang hindi pagsipot sa mga tinanggap na commitment, pagtanggap ng mga show na inililihim sa manager nila kaya nagkakaroon ng conflict sa schedule, ang pakikipag-away at pakikipagsuntukan sa rapper na si Makagago.

Noong June 1, 2018, pumirma ng kontrata si Ai-Ai at ang Ex Battalion para sa partnership nila sa Viva.

Isang malaking presscon ang inihanda ng Viva at dito nagkaroon ng announcement tungkol sa pelikula na ipo-produce ng film outfit na pagbibidahan ni Ai-Ai at ng Ex Battalion, ang Sons of Nanay Sabel.

The following day, June 2, nag-post si Ai-Ai na magpapahinga muna ito bilang manager ng Ex Battalion.

Pero napakiusapan siyang i-reconsider ang kanyang desisyon at i-delete ang kanyang Instagram post.

Ang hindi pagsipot ng tatlong miyembro ng Ex Battalion sa isang provincial show ang dahilan ng pagkaubos noon ng pasensya ni Ai-Ai.

Hindi sumama si Mark Maglasang aka Bosx1ne dahil nagpaalam itong bibili ng ginto, latecomer kaya naiwanan ng eroplano si Daryl Ruiz aka Skusta Clee, at hindi nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog si John Mangabang aka Emcee Rhenn.

Noong April 29, 2019 ang red-carpet premiere ng Sons of Nanay Sabel sa SM Megamall Cinema.

Pero na-delay ang screening ng pelikula dahil hinintay pa ng lahat ang pagdating nina Archie dela Cruz aka Flow G. at Daryl Ruiz aka Skusta Clee, na bumili pa ng mga damit na isusuot.

Noong nakaraang linggo, muling sumakit ang ulo ni Ai-Ai dahil tumanggap si Mark ng mga show para sa Ex Battalion na lingid sa kanyang kaalaman.

Si Ai-Ai ang kinukulit ng mga concert producer para sa mga show na wala siyang kinalaman dahil hindi sumipot si Mark, na biglang tumiwalag sa grupo at may brilliant excuse na aayusin muna ang kanyang mga personal na problema.

Tumanggi rin ang Ex Battalion na sumipot sa miting de avance ng isang winning senatorial candidate dahil gusto nilang magpadagdag ng bayad.

Pero si Ai-Ai na ang nagpasya na huwag na silang pasiputin, kahit willing ang nag-imbita na dagdagan ang talent fee ng grupo.

Ang mga nabanggit na kuwento ang ilan lamang sa maraming insidente ng unprofessionalism ng Ex Battalion na mitsa para hindi manghinayang si Ai-Ai na talikuran ang pagtulong sa kanila.

soure ; pep.ph