Home Entertainment Pasaway na driver ginamit ang ambulansya sa family outing

Pasaway na driver ginamit ang ambulansya sa family outing

Katakot-takot na pambabatikos ang inabot ng isang driver ng ambulansya matapos kumalat sa social media ang litrato ng government-owned emergency vehicle na ginamit niya para sa personal na outing ng kanyang pamilya noong Semanta Santa.

Ayon sa ulat ng GMA, namataan ng isang social media user ang ambulansya sa tabing-ilog sa ilalim ng Amnay Bridge sa Barangay Pag-asa sa Calapan City, Oriental Mindoro.

Sa Facebook post ng isang KC Jane Valdez Vicera noong ika-20 ng Abril, inakala raw niya na may aksidente sa ilalim ng tulay ng Amnay dahil sa nakitang nakaparadang ambulansya, ngunit napagtanto niya na ginamit palang service para sa family outing.

Imahe mula kay KC Jane Valdez Bicera
“Akala ko may aksidente sa ilalim ng Amnay bridge ayun pala ginawang service for family outing. Tama ba o mali ang kanilang ginawa?” sabi niya sa post kasama ang ilang litrato ng ambulansya.

Kita sa larawan ang isang basang damit na nakasampay sa bintana sa passenger side sa unahan ng sasakyan.

Sa iba pang larawan ay makikita naman ang mga batang nagsisipaligo sa ilog habang ang ilang matatanda ay kumakain sa pampang.

Kinumpirma ni Sablayan Mayor Eduardo Gadiano na ang ambulansya na may nakamarkang LGU-Sablayan at plate number na SKT 741 sa side body nito ay pag-aari ng Sablayan local government.

Imahe mula kay KC Jane Valdez Bicera
Anang mayor, tatlo lang ang pinagpipilian niyang gawin sa ambulance driver na abusado – suspension, termination o kusang mag-resign.

“Kailangang bigyan ng disciplinary action ‘yung driver dahil mali ‘yung ginawa niya. Tatlo lang pinagpipilian ko sa kanya: suspension, termination, o mag-resign siya, kasi mali ang ginawa niya,” ani Mayor Gadiano.

Source :GMA Network,