Home Entertainment Mag-inang masayang naglalaro sa gilid ng lansangan, pumukaw sa damdamin ng karamihan

Mag-inang masayang naglalaro sa gilid ng lansangan, pumukaw sa damdamin ng karamihan

Isang patunay na walang katumbas na halaga ang pagmamahal ng isang ina matapos mag-viral ang mga litratong ito ng mag-inang naglalaro sa gilid ng lansangan at hindi alintana ang kanilang kalagayan.

ng mga litrato ay kuha ni Ameniel Del Mundo habang binabagtas ang mahabang trapiko sa Airport Road, NAIA Expressway, Parañaque noong April 9.

In-upload niya ito sa kanyang Facebook account upang ibahagi ang kanyang mga napagtanto noong gabing iyon.

Kuwento niya, habang siya ay nakaupo sa loob ng kanyang sasakyan at nag-iisip nang malalim tungkol sa mga kinakaharap niyang isyu sa kanyang trabaho, bigla na lang nakuha ang atensiyon niya ng mag-inang nasa lansangan.

Nakita niya kung gaano kasaya ang mag-ina sa paglalaro sila man ay salat sa kayamanan, samantalang siya na nakaaahon sa buhay ay nagrereklamo sa kasalukuyan niyang sitwasyon.

Imahe mula sa Facebook account ni Ameniel Del Mundo
“Proof that happiness is a choice,” ang nilagay niyang caption sa mga litrato dahil nakita niya kung gaano kasaya ang mag-ina at kung gaano sila kakuntento sa kung anong mayroon sila.

Pahayag ni Del Mundo, biglang ipinaalala rin sa kanya kung gaano kahalaga ang pagmamahal ng isang ina para sa kanyang anak nang hindi nangangailangan ng kahit anong materyal na bagay upang ito ay mapatunayan.

Isang pagbabalik tanaw rin ang kanyang nasaksihan dahil kahit tayo ay nasa modernong panahon na, nananatiling buhay ang ugali ng pamilyang Pilipino gaya ng kung paano nakipaglaro ang ina sa anak.

Gayunpaman, hindi nagkaroon ng pagkakataon si Del Mundo na makausap ang mag-ina noong gabing iyon.

Makalipas ang ilang araw, bumalik siya sa lugar kung saan niya sila nakita subalit wala na sila roon. Patuloy naman siyang umaasa na makita silang muli upang mabigyan ng kaunting tulong.

Bumuhos ang simpatya sa naturang Facebook post ni Del Mundo kung saan ito ay umabot na ngayon sa 25,000 likes at 21,000 shares.

Gaano man kahirap ang buhay, maraming bagay na maaaring paghugutan ng lakas at saya gaya ng mga taong nagmamahal sa atin.

Source :Facebook,